Isang taon na pala ang nakakaraan nang malagpasan namin ang unang taon ng pagsubok dito sa AMV College of Accountancy.
Natatandaan ko noon, may mga araw na halos mabasa na ng luha ang libro ko sa Accounting hindi lang dahil sa kaaaral, kundi dahil na din sa katatanong kung bakit sa lahat ng kursong alam ko, ito pa ang napili ko, at kung bakit sa AMV pa na napakataas ng standards of passing? Ang hirap. :'(
Pero hindi yun naging hadlang para lumipat kami ng kurso o kolehiyo, sa halip, naging inspirasyon namin iyon para harapin ang lahat ng mga challenges na ibigay sa amin ng aming mga mentors. Bukod pa rito’y isang malaking Pride para sa isang estudyante ang makapasok sa isang Unibersidad na tulad ng UST kaya’t hindi namin sasayangin ang opurtunidad na ito.
Sa unang taon mo pa lamang na pagtapak dito sa AMV College of Accountancy ay ipinapakilala na agad ang tinatawag na “mortality rate ng AMV”, ito ay HINDI bilang ng mga namamatay, sa halip, ito ay ang bilang ng mga seksyon na nalalagas taon-taon sa batch mo. Halimbawa, kung 20 sections kayo ng 1st year, magiging 16 na lang sa 2nd year, 10 sa 3rd year at 7 na lang sa 4th year. Ito ang isa sa mga paraan ng AMV para ma-achieve ang highest possible passing rate sa CPA Board Examination kaya nananatiling no.1 ang college natin pagdating sa dami ng bilang ng mga pumapasa.
Hindi naman lahat nawawalang parang bula ang mga nalagas na 13 sections na yon mula sa 20. Ang iba sa kanila ay napupunta sa another program, tulad ng BSMA (management accounting - pero hindi pwedeng magtake ng CPA Board Examination). Ang iba naman ay nagdedesisyong lumipat ng kurso pero sa UST din, o di kaya naman ay lilipat ng University pero pareho din ang kurso. Nakadepende ito sa estudyante.
Matatapang at matatatag ang mga AMVians, pero sa kabila ng katapangang ipinapakita naming ito, hindi pa rin namin maisasantabi ang aming mga kahinaan at kinatatakutan, isa na rito ay ang bumagsak sa aming kurso.
Dagdag pa rito’y hindi maitatangging may mga oras din na pinanghihinaan kami ng loob na ipagpatuloy pa ang ka-hibangan na ito dahil na rin sa mga sobrang mabababang resultang aming natatanggap na bunga ng aming pag-aaral.
“Everyday is a Quiz day”, sabi nga ng isa naming prof.
At sa tuwing naaalala namin ang mga katagang iyon, hindi na mapawi ang kunot sa noo at simangot sa aming mga labi. Isang gabi ka lang na hindi magbasa ay malaki na ang posibilidad na hindi mo maabot ang passing score sa pagsusulit lalo pa at hindi kalahati ang passing, kundi seventy percent!!
Minsan pa’y pagkatapos maipamigay ang mga quiz papers na may nakalagay na pulang marka sa kanan, bigla pang tatanungin ng prof(habang nakangiti na para bang nakakaloko) : “Mahirap ba class?”. Talagang ramdam namin ang pagkadismaya at pagkagalit pero mabuti pang ‘wag ng ilabas pa ang mga damdaming iyon dahil wala namang mababago sa 30 over 100 na quiz paper na iyon. “Wala namang madali sa tao e, lagi na lang ang lahat ng bagay ay mahirap para sa kanya…”, dagdag pa nga ng prof namin sa Philosophy.
At sa tuwing darating naman ang Exams ay lalo mong makikita sa mga mukha ng mga kaklase mo ang sobrang pagod dahil sa pamumutla at pamumuknat ng balat sa labi, at higit sa lahat ang muling pag-usbong ng popolar na contest sa ating college na kung tawagin ay “Biggest Eye-bag Contest.”
Ang malala pa sa nasabing exams ay nahahati lamang ang major examinations sa dalawa, ang Prelims at Finals. Samakatuwid, pagkatapos mong malaman ang Prelim Grade mo, mayroon ka na lamang One and Only Chance para maitaas pa o maipasa pa ang grades mo sa subject na iyon – at yon ay ang Finals. Pagkatapos noon, ay wala ka ng magagawa pa sa grades na iyon dahil iyan na talaga iyon…
Almost four or five ang subjects na departmentalized – ibig sabihi’y iisa ang exam ng lahat ng 23 sections sa year mong iyon – kaya naman ito ang pinakapinaghahandaan ng mga estudyante. Swertehan na lang kung ang gumawa ng exams ay ang prof mo, ibig sabihi’y mas malaki ang chance mong makapasa. Kaya lang, kung minamalas malas ka at wala ni-isa sa mga departmentalized exam na iyon ang gawa ng mga prof mo, sorry pero ganun talaga…
Gayundin naman sa aming recitation, sabihin man ng kahit na sino na 20 percent lang ito ng aming kabuuang grade, pero para sa amin, ito ang tinatawag namin na “Aming Pag-asa!” sapagkat kung sa 40% quizzes at 40% exam ay bagsak ka na, ito na lang ang iyong pag-asa kaya’t perpekin mo na…
Pero hindi pa rin mawawala ang kaba at takot pagdating sa recitation. Sa bawat pagturo ng ballpen ng prof sa kanyang listahan, kasabay nito ang pagbilis ng tibok ng puso namin, sa pagaakalang kami na ang tatawagin. Gayundin naman, sa bawat pagbabalasa ng mga index cards namin na nasa kamay ng aming professor, para bang nagyeyelo ang aming mga kamay hangga’t wala pang nabubunot at natatawag.
At kapag ikaw na ang natawag, magsisimula nang umpekto ang tinatawag na Unconscious Behaviour. Kitang kita sa mukha ng aming mga kaklase ang pamumula ng mga tenga, walang tigil na pagtulo ng pawis mula sa ulo hanggang sa talampakan, pagtingin sa kisame na para bang naluluha na ang mga mata sa sobrang kaba at pagkagat sa labi kapag hindi alam ang isasagot o may nakalimutan. Mayroon din namang mga nanginginig ang tuhod at palingon lingon sa katabi na nagbabakasakaling may ibulong na mga sagot sa kanya. Ilan lamang iyan sa mga nararanasan namin sa tuwing kami ang natatawag.
Layunin ko sa blog na ito ay hindi upang takutin ang mga future fellow AMVians ko at sa mga future pa na huwag na pumasok sa college na ito. Sana ay makuha rin ninyo na sinasabi ko ang lahat ng ito upang magkaroon tayo ng lakas ng loob para harapin ang lahat ng mga pagsubok na ihahain na atin tulad ng mga naranasan ng ating mga Kuya at Ate na grumaduate na sa College naten. Isipin natin na naranasan din nila ang lahat ng hirap na ito pero heto sila at patuloy na sinusuong ang anumang hirap na madaanan nila.
Sana’y makatulong ito para mas lalo pang tumatag ang ating paninindigan at maitatak sa ating puso’t isip na…
…“gagraduate akong isang Thomasian Accountant!” ---- Sana.
No comments:
Post a Comment