Ang lalawigan ng Quezon ay may sarili ring dayalek na ginagamit subalit hindi ito tulad ng ibang probinsya na halos walang hawig sa wika ng nasa National Capital Region. Kaya naman ang Quezon, tulad ng mga lalawigang kasama nito sa rehiyon tulad ng Cavite , Laguna, Batangas at Rizal ay mayroong malapit na relasyon pagdating sa lengguahe.
Palibhasa’y ang Quezon ang siyang nagsisilbing tulay sa Bicol Region at sa NCR, malaki ang naging epekto nito sa kinamulatang lengguahe ng lalawigan, kaya naman parang may halong Bicolano ang Tagalog ng ilang salita ng mga bayan dito. Isa sa mga bayang ito ang Atimonan.
Narito ang ilang mga salitang hindi pangkaraniwan para sa karamihan at sadyang sa lugar na ito lamang at mga karatig-bayan nito lamang ang nakakaalam.
Ang ilan sa mga salitang ito ay nagkakaroon ng kaibahan sa ibang dayalek ayon sa pagbabay-bay. Tulad ng mga ito:
ABIS – tinanggal ang L mula sa “LABIS”
- ibig sabihi’y pag-apaw o pagsobra ng isang likido sa isang lalagyan.
- “Umaabis na ang tubig sa timba.”
DIGHAL – pinalitan ng L ang Y sa “DIGHAY”
- ibig sabihi’y pagpapalabas ng hangin mula sa tiyan ng isang tao.
- “Kailangang padighalin ang bata pagkakain.”
MATILOS – pinagpalit ang I at O mula sa “MATULIS”
- ibig sabihi’y matalas o matalim na bagay.
- “Kailangan talagang matilos ang kutsilyo sa paghihiwa ng gulay.”
ASUKAR – pinalitan ng R ang L ng “ASUKAL”
- pampatamis ng isang pagkain o inumin
- “Kulang sa asukar ang tinimpla mong kape.”
YUKOS – pinalitan ng Y at S ang L at T ng “LUKOT”
- nagusot o nawala sa dating anyo.
- “Nayukos ang papel ko nung maupuan niya ito.”
Ang iba nama’y mga salitang talagang iba ang katawagan sa bayang ito. Ilan sa mga pagkain ang:
· AYAP (sitaw)
Ilan naman sa mga insekto ang:
· GUYAM (maliit na langgam)
Ilang sa mga kagamitan ang:
· KAMPIT (kutsilyo)
· ESPIRMA (kandila)
· HAWONG (bowl sa kainan)
· PAMITPIT (palo-palo)
· LEGADERA (timba)
· GURA’ (sombrero)
· LIBAGIN (mga damit na marurumi)
· LANGGANA (batya)
· PAPAGAYO (saranggola)
Ilang parte ng bahay ang:
· BATALAN (banyo)
Ang mga ito naman ang maaring marinig mong madalas sa mga usapan:
· APURADO (mainipin)
Narito naman ang ilan sa mga paggalaw o paggawa ng tao:
· ABYAD (asikaso)
· AGNO (samahan o ituro)
· DAYAG (hugas ng pinggan)
· DINUKDOK (dinurog)
· HAMBO (ligo)
· HAWHAW (katapusang hugas ng damit)
· HIMOD (dilaan ang pagkain)
· INGUSO (ituro)
· IPUD-IPUD O ISUD (layo-layo ng konti)
· ITITI (isalin ang tubig)
· LAG-OK (inom ng konting tubig o likido)
· LINO (unang hugas sa pinggan)
· LUMOD (lunok)
· MANGHINAW (maghugas ng kamay)
· NAG-ANGAW (nagmura)
· NAPATIHAYA (napahiga)
· PINAW (kunin ang mga damit sa sampayan)
· YAPOS (yakap)
Ang ilan naman sa mga salitang Atimonan ay may ibang pakihulugan sa ibang lugar, tulad ng: LANDI – para sa marami ay pagiging maharot, ngunit ibig sabihin nito’y paglalaro ng tubig; ang SALAPI para sa karamihan ay pera pero sa Atimonan ay 50 centavos; ang KASIPING na pareho man ang ibig sabihin na katabi sa pagtulog, para sa Atimonanin ay walang malisya; ang LAMON na madalas ay kritisismo para sa mga umaasa sa magulang ngunit sa Atimonan ay malaking kain.
Narito pa ang ilang mga salitang iba ang katawagan:
· ASO (usok)
· BANG-AW (baliw)
· DAMSAK (lati)
· DUNGGOT (dulo)
· AMPIYAS (pagpasok ng ulan mula sa labas)
· LAM-AW (butas sa kalye na may tubig)
· MANDO (utos)
· MUYANG (tirang pagkain sa plato)
· NABUBO (natapong likido)
· NGUTNGOT (nguya)
· TILAMSIK / TILABSIK (talsik)
· UBOG NA UBOG (balitang-balita o marami na ang may alam)
· PISPIS (pagpag)
· YAMOGMOG (kalat na pagkain sa mesa)
· SAGMAW (kaning baboy)
· AMAMA (lolo)
· INANA (lola).
Ilan lamang ito sa mga salitang kinamulatan ng mga tulad kong Atimonanin. Pero ngayo’y bihira na ring gamitin ang ilan rito dahil patuloy na ang pagbabago sa dumarating na mga bagong henerasyon.
Sana’y kahit papaano’y nabigyan ko kayo ng ideya sa mga salitang Atimonan – ang bayang aking kinalakhan at hindi ko malilimutan.
Credits to my sources: My Family and of course ang website ng bayan namin: http://www.atimonan.gov.ph/.
No comments:
Post a Comment